Ganun pa rin. Ganun pa rin ang mga ginawa namin. Ganun pa rin ang mga nangyari. Nagpastudio pic. Nanood ng sine. Nag-arcade. Kumain sa Tokyo Tokyo. Tapos uwian na.
Merong babalik sa dorm. Meron ding susunduin. Tapos yung iba naman magtataxi. At yung iba pa, sasakay ng jeep. Ako lang (na naman) ang pupunta sa MRT.
Lalakarin ko na naman. Hindi na ako natuto. Hehe.. Bababa na ko sa may overpass. Nabasa ko sa sign ng MMDA.. <- MRT North Ave. Nakita kong meron akong mga kasabay kaya tinuloy ko na talaga yung lakad ko. Baka di na ko bibiktimahin nung mga yun. Pero nagkamali ako.
Naglalakad ako. Kasama ang apat pang mga studyanteng kolehiyo na. Nandun ako sa likod nilang apat. At meron kaming nadaanang lalaking nakapula, nagyoyosi. Pamilyar ang kanyang mukha. Pero di ko pinansin. Tuluy-tuloy lang ako.
Nang malayu-layo na kami doon sa puwesto niya, naisip kong lumingon. Sa aking pagtingin ay para bang sinasadya ng pagkakataon na magtagpo ang mga mata ng dalawang taong may nakaraan, isang hindi kanais-nais na karanasan. Nagulat ako. Nagulat din siya.. At sa kanyang pangit na mukha ay para bang mayroon siyang binabalak.
Nagmadali ako. Tinawag niya ko. Ako ay napatakbo. Nang lumingon ulit ako, nasa likod ko na siya. Binilisan ko pa. At nang hahaltakin niya na ang braso ko, ako'y nakaiwas, sabay ko namang tinumba sa kanya ang isang motorsiklo na nakaparada sa gilid. At ako'y tumakbo pa.
Pagtingin ko sa likod ay nakita ko ang isang mamang duguan. Hinahabol niya pa rin ako. Laking takot ko nang ilabas niya bigla ang kanyang malaking nailcutter. Oo, nailcutter. Pero hindi yun isang ordinaryong nailcutter. Dahil 'yun ay may totoong patalim, at hindi lang yun panlinis ng kuko. Tinutok niya sa 'kin ang balisong, at sabay inihagis sa aking likuran at...
At ako'y nagising. Pawis na pawis. Sobrang lakas ng tibok sa dibdib. Ginising ako ng nanay ko. Umuungul daw ako. Salamat na lang at ang lahat ng iyon ay isang panaginip lang. Isang panaginip na hindi ko malilimutan.
No comments:
Post a Comment